Friday, February 11, 2011

Ang Talambuhay ni "VJFULL" (Ang taong puno ng Talento)

Noong ako'y apat na buwang gulang.
Ako ay umiiyak dahil sa aking kapatid.
    Ako si Von Jerick Derequito Vitriolo,VJ para sa marami,Vee-Jay para sa ilan,at Von-Von naman kung minsan.Ipinanganak ako noong Oktubre 8,1994,araw ng Sabado,sa Barangay San Marcos,San Pablo City.Ito ang araw na una kong nasilayan ang kagandahan ng ating mundo.Noong bata pa ako,ako ay isang napaka-tabang bata.
 Mahilig na akong makipaglaro,maki-tawa at ngumiti sa mga taong aking nakikita.Kahit na hindi pa ako lubos na nakakapag-isip.Noong bata pa lamang daw ako,napaka-lakas ko daw umiyak.Dinig na dinig daw ng buong kapitbahay kapag ako ay umiyak.
    
 Ubod daw akong namumula kapag umiiyak,marahil ito siguro ang dahilan kung bakit ako may angking talento  sa pagkanta.Mukhang nagpapahiwatig na ito.


  Malikot,maingay at maligalig.Ganyan ako kung ilarawan ng aking ina noong ako ay bata pa.



Ang aking unang kaarawan kasama ang aking mga magulang.
     Nagdaos ako ng unang kaarawan kasama ang mga mahal ko sa buhay.Noong nakita ko ang larawang ito ay parang nagbalik sa aking isipan ang mga alaalang ito.Natatandaan ko ang isang masaya at maraming panauhing pumunta sa aking kaarawan.
    
    May pagka-iyakin ako noong bata pa ako,lahat ng bagay ay isinusumbong ko sa mommy ko.Pag inaaway ako ng mga kapatid ko.Umiiyak ako kapag hindi ako pinaglalaro sa Play Station kahit naman talo na ako.Inaaway ko mga kapatid ko kapag inilipat yung palabas sa telebisyon gayung ayaw ko                namang panoorin yung sa kanila.Pati nga sa pagtulog,ayoko ng hindi ko katabi ang mommy ko dahil takot ako noon sa mga kinukwento niya tungkol sa mga multo.


  
   Ang aking mga magulang ay sina Gng.Emma Derequito Vitriolo,isang Radio Operator  at si G.Urbano Guillermo Vitriolo,na isang dating Purchaser(International Buyer) sa ibang bansa,ngunit siya ay binawian na ng buhay dahil sa sakit na cancer.Masakit man sa damdamin,pero kailangan tanggapin.Kaya ngayon,nagpapasalamat ako sa Panginoong Diyos dahil alam kong tinulungan niya ang aking ina sa pagtataguyod sa aming magkakapatid.

    
   Mayroon akong dalawang kapatid,sila ay sina Vina Mae D.Vitriolo,isang Registered Nurse at kasalukuyang nagtatrabaho sa Los Baños Doctors Hospiital & Medical Center at si Avegail D.Vitriolo,isang 4th year student ng San Pablo Colleges,College of Nursing.

    
   Nag-aral ako ng Kinder hanggang sa ika-unang baitang sa LAGUNA COLLEGE OF BUSINESS AND ARTS o LCBA sa Calamba,Laguna kung saan unang nadiskubre ang aking talento sa pagkanta.Naging guro ko dito sina Gng.Elaine General,Gng.Ma.Christina Carasus,at si Gng.Milagros Mateum.Sila ang aking mga naging pangalawang nangaral.Tanda ko pa noong Kinder ako,na-office ako.Kasi naman yung kaklase ko ay hiniram yung lapis ko nung nagkakaroon ng pagsusulit,subalit mauubos na ang oras ko sa pagsasagot dahil nasa kanya ang lapis ko.Nasa banyo noon ang aming guro at tanging yung practice teacher ang nandoon.Ang ginawa at sinabi ko."Bilisan mo naman,akin na yang lapis ko sabay natusok ko ng lapis sa malapit sa mata",umiyak siya at sinumbong ako sa aking guro,kaya pinaiwan ako noon sa silid.Iyak ako ng iyak noon dahil ako na lang ang natitirang estudyante sa silid at natatakot akong mapagalitan ng aking ina at sabihin sa aking ama,dahil kapag nangyari yun,hindi na ako padadalhan ng mga gusto kong gamit at pagkain.Pagkatapos kong maka-usap ng aking guro sa office ay umuwi na kami ng katulong namin dati na siyang sumusundo sa akin tuwing hapon.Kinabukasan,may programa sa paaralan,ngunit nandun ang ina ng aking kaklase na nasaktan ko.Hiyang-hiya ako noon sa kanya pero pinansin naman ako.Naayos na naman yung nangyari na iyon subalit nag-iwan sa akin ng isang aral na hindi ko malimutan.

   Dahil sa pagkamatay ng aking ama,kami ay lumipat sa aming bahay sa San Pablo o sa aming barangay,sa Tikew at dito na ipinagpatuloy ang aking pag aaral.Sa San Pablo Central School ako pumasok mula ikalawang baitang hanggang sa ako ay makatapos.Naging guro ko sina Gng.Lilia Fule,naging guro ko noong ikalawang baitang.Tanda ko pa noon na ang ingay namin ng mga kaklase namin sa likod habang siya ay nagtuturo ng leksyon,pinalo kami ng kanyang mala-latigong tsinelas.Si Gng.Lorelie Umali naman noong ako ay nasa ikatlong baitang,pinalitan niya ang nauna kong guro na si Gng.Deveza.Si Gng.Lacambra naman ang aking guro sa ika-apat na baitang.Lagi niya akong pinakakanta sa klase sa tuwing walang ginagawa.Si Gng.Elaine Adajar,sa ikalimang baitang na isa sa aking pinaka-paborito kong guro.Sa panahong ito,napabilang ako sa San Pablo Central School Childrens Choir kung saan ako ay naging presidente ng batch na iyon.At si G.Philamer Quilla,isang kwela kong guro.Hindi ko din malilimutan ang karanasan ko sa panahong ito.Araw noon ng Biyernes,bandang alas-tres ng hapon,nasa labas ang aking guro kasama ang mga cleaners sa araw na iyon.Kami ng iba kong kaklase ay nasa loob ng silid at walang ginagawa.Marahil ay alam niyo yung tumutunog tuwing alas-dose ng tanghali at alas-singko ng hapon,yung tinatawag na sirena ni mayor.Dahil wala nga kaming ginagawa,bigla akong nagsirena ng ganoon,biglang napatingin sa relo niya ang aking guro.Nang sila ay pumasok na,bigla niyang sinabi at tinanong na,"Parang tumunog yung sirena sa kapitolyo? Ang aga naman yata?"Sabi naman ng mga kaklase ko,"Si VJ po yun sir!"
    Nagtawanan kaming magkakaklase ngunit binigyan ako ng parusa ng aming guro,sabi niya,"Ang parusa mo,tuwing tutunog yung sirena ng kapitolyo,sasabay ka at kapag hindi mo yun ginawa,minus 5 ka sa card."Siyempre,palibhasa'y elementarya,talagang sumunod ako.Tumagal ito ng isang linggo at natapos ko naman ito.Naging masaya ang aking pag-aaral dito.Dito rin lalong nahubog ang aking talento dahil lagi akong pinakakanta tuwing may programa sa paaralan.Nakasali rin ako sa iba't ibang patimpalak,isa na dito ang Anilag Singing Contest kung saan ay naiuwi ko ang ikalawang puwesto at nakatanggap ako ng limang libong piso (P5000) at iba pang gift packs at ang nakakuha ng unang puwesto ay naging kaklase ko pa noong ako ay nasa grado isa.

    Ang isang VJ VITRIOLO ay masayahin,mabait,matalino at may angking talento na maaaring ipagmalaki.Bata pa lamang ako ay mahilig na akong kumanta,kumbaga,"SINGING IS MY PASSION".Paborito kong kanta noon ang "Isang Lahi" ni Regine Velasquez.Noon pa lamang ay marami na akong sinalihan na patimpalak sa pagkanta,kadalasan ay ako ang nananalo.Noong ako ay nasa ikatlong baitang,nabigyan ako ng pagkakataong makasali sa patimpalak sa telebisyon,sa DUET BULILIT ng MTB o Masayang Tanghali Bayan.Ito ay noong ika dalawampu't tatlo ng hunyo,taong dalawang libo't tatlo (2003).
Ako at ang aking ka-partner habang hinihintay ang resulta ng labanan.



    Pinalad kaming manalo sa weekly finals hanggang sa naka-abot kami sa Monthly Finals,subalit hindi kami pinalad na manalo dito,kaya hindi kami nakapasok sa Grand Finals.Subalit pagkatapos noon,marami na ang humanga sa akin,mga guro,kaklase at kamag-aral.Dahil din dito,nailathala din sa diyaryo ng aming paaralan ang aking pagkakasali dito.
    
   Hanggang ngayon ay kumakanta pa rin ako upang huwag masayang ang talentong bigay sa aking ng ating Diyos.Kumakanta ako sa mga kasal,kaarawan at iba pang okasyon.Napaka-saya ng naging karanasan ko dito sa Duet Bulilit,kahit medyo pagod ay tuloy pa rin,madami akong nakitang artista doon at nagpa-picture pa ako.Niloloko pa nga ako dun sa isang contestant,may gusto kasi daw ako sa kanya,gayung wala naman.Narito ang ilan sa mga larawan na kasama ko ang ilang artista.

Kasama ko sina Kyla,Cindy Kurleto,Claudine Baretto at Mickey Ferriols


   Mahilig din akong tumugtog ng piano,bata pa lamang ako ay madami-dami na din akong natutugtog.Marahil itong talento na ito ay namana ko sa aking ina.Mahilig din akong magluto,mag-drawing at marami pang iba.Mga talentong akin pang sinasanay na mabuti.

     Paborito kong pagkain ang sinigang,Pochero,Kare-Kare,Adobo,Inihaw na Tilapia,Carbonara,Frapuccino at marami pang iba.Madami talaga.Kaya siguro ako nagkaroon ng Diabetes dahil ang takaw ko hindi lamang sa mga pagkaing binanggit ko kundi pati na din dahil sa mga matatamis at sofdrinks.
  
   Ako ay DM Type 1 o yung tinatawag na Insulin-Dependent patient.Sa una ay talagang iniyakan ko ito gabi-gabi noong malaman ko na mayroon na akong ganitong sakit.Pakiramdam ko ay mawawalan na ako ng silbi at hindi ko na makakain ang mga pagkain na aking gusto.Subalit sa paglipas ng panahon,unit-unit ko na itong natanggap sa tulong ng aking pamilya,mga kaibigan at sa ating Diyos.

                              Si polah,tiana,krystal at ako :) 

  Mahal na mahal ko ang aking mga bestfriends,sina Wilyn Balitaan,Christiana Denise Galang,Krystal Ann Gutierrez na tinaguriang "Ashmine Rucci" at Joana Paula Fernandez.Kapag kasama ko sila,unti-unting nawawala sa aking isipan ang mga problema sa buhay.
                               Si Wilyn,ang aking BFF at ako :)  
  
  Tuwing magkakasama kami,hindi nawawala ang tawanan,hiyawan,at pati na rin kantahan.Hindi rin kami nawawalan ng asaran sa isa't isa.Sila ang aking sinasandalan sa panahon ng problema.Kahit nga ibang seksyon na sila,ay nagkakaroon pa rin kami ng kasiyahan at bonding.

   Sa kasalukuyan,ako ay labing-anim na taong gulang na at patuloy pang nagbibilang ng aking edad.Humihiling na sana'y bigyan pa ako ng Diyos ng mahabang buhay at lakas.Ngayon ay 4th year student na ako ng Col.Lauro D. Dizon Memorial National High School,kung saan naging guro ko sina Gng.Aleli Juliano, Gng.Carina Liay, Bb.Severina Reyes at ang kasalukuyan kong guro na 
si Gng.Rosy Audije.
                           Ang 4-Ablaze,mga mahal kong kaklase.




    Naaalala ko pa noong ako ay first year,sa asignaturang Matematika,ako ay naging Top 3 sa first grading,subalit noong lumaon na,ang pangalan ko ay unti-unting naalis,marahil hindi ko talaga makuha ang matematika at hindi ko ito maisabuhay.Tapos noong ako ay third year ay napagalitan ako ng aking guro na si Gng.Marife Calanasan,dahil noong pagpasok niya ay siya'y inuubo.Pagpasensiyahan na daw namin siya kung siya ay inuubo.Pagkatapos ng klase ay nagpaalam na kami sa pagsasabing,"Goodbye and thank you,Mrs.Calanasan!",bigla kong nasabi na,"Happy New Year!".Sinabi ko pa na hindi ako yung nagsabi noon kahit alam ko naman sa aking sarili na ako talaga ang may sabi.Tapos noong kinatanghalian,ako ay lumapit sa kanya at inaming ako ang nagsabi noong Happy New Year.Nagka-ayos na naman kami ng aking guro at ako'y kaniya na niyang pinatawad.
 Napakabilis na pala ng panahon,parang kelan lang ay nagtapos ako sa elementarya at bahagyang kinakabahan sa kung ano ang magiging buhay sa hayskul.Ngayon ko masasabi na "HIGH SCHOOL LIFE is the BEST" talaga.Dito ako natutong maging matatag at tumayo sa sarili kong mga paa.Napakasaya ng apat na taon na aking ipinamalagi sa paaralang ito,isang lugar kung saan ay napaka-daming alaalang hindi ko malilimutan.Maraming mga aral ang tumatak sa aking puso at isipan.Mga aral na aking dadalhin hanggang sa ako ay bawian ng buhay.Pero huwag muna tayong dumako doon.Matagal pang panahon na yaon ay darating.

  Marami akong mga pangarap sa buhay,gusto kong maging Artista,Chef,Doktor,News Anchor at marami pang iba.Nalilito nga ako sa kung ano ang kukunin kong kurso sa kolehiyo.BS Education,AB Mass Communication,BS Biology,Culinary at kung ano-ano pa.Ang dami ko kasing gustong kuhanin na kurso.Sa nalalapit na pagtatapos ng aking pag-aaral sa sekondarya,lubos kong pinasasalamatan ang mga taong naging bahagi ng yugto ng buhay kong ito.
  Maraming maraming salamat sa pagtanggap niyo sa akin bilang "AKO" sana'y kahit papaano ay napasaya ko kayo.Sana'y sa bawat pagtawa niyo na dulot ko ay nawawalang bahagya ang mga problema sa buhay.Hindi naman ito pamamaalam,di'ba sinabi ko na matagal pa yun.

   Salamat,dahil kayo ang naging isa sa dahilan sa kung ano "AKO" ngayon.
Ako ay patuloy na nangangarap na sana'y isa-isa kong maabot ang aking mga pangarap,mga pangarap na magdadala sa akin sa isang matagumpay na buhay!

SALAMAT. =)
                      Larawan sa lkod ng isang napaka-gandang imahe.
Ang aking larawan habang ako ay lumalaki.

No comments:

Post a Comment